MANILA, Philippines - Naging masaklap ang pagdiriwang ng Pasko ng isang pamilya sa lungsod Quezon, makaraang pito katao ang nasawi matapos na umano’y ma-trap at matusta nang buhay sa naglalagablab nilang tahanan kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Fire Station, apat sa mga nasawi ay kinilalang sina Corina Filamor, 55; Eva Filamor, 25; Carlos Filamor Jr., 20; Miguel Andrei Filamor Mutuc; at tatlo pang biktima na hindi pa nakikilala hanggang sa sinusulat ang balitang ito.
Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Dr. Carlos Filamor Sr. na matatagpuan sa #16 Rest Haven St., Brgy. Bungad San Jose Del Monte sa lungsod, ganap na alas-5:27 ng madaling-araw.
Ayon kay Senior Supt. Aderson Comar, assistant regional director for operations ng Bureau of Fire Protection National Capital Region, ang tinutuluyan ng mga Filamor ay nakahimpil sa harap ng dalawang hanay ng two-storey apartment units na kanilang pag-aari.
Nabatid pa ng awtoridad na mayroon ding veterinary clinic ang pamilya Filamor sa compound.
Ayon kay SFO3 Jose Felipe Arreza, imbestigador, pito katao ang nakatira sa unit ng Filamor; ito ay sina Dr. Carlos Sr., asawang si Corina; dalawang anak na sina Carlos Jr., at Eva; at dalawang anak nitong sina Miguel Andrei, 13, at Mateo Aaron Mutuc, 14; at kasambahay na si Marina Ayon, 48.
Ayon kay Comar, ang dalawang bangkay ay natagpuan sa entrance door ng unit ng pamilya, isa sa kuwarto sa ikalawang palapag, isa sa kusina, isa sa comfort room at isa sa sala.
Ang ika-pitong bangkay ay narekober ganap na alas- 2 ng hapon sa may Unit 16B, dalawang pinto ang layo mula sa tinutuluyan ng mga Filamor, ayon pa sa ulat. Tinitingnan ng awtoridad kung ang huling biktima ay ang katawan ni Carlos Sr., na iniulat na tumalon mula sa ikalawang palapag ng bintana.
Ang lahat ng katawan ay pawang mga sunog na sunog kung kaya nahirapan ang mga bumbero na kilalanin ang mga ito.
Kinailangan pa anya ang dental procedure para sa pagkilala sa bangkay ng mga biktima.
Ang sunog ay nagsimula ganap na alas-5:27 ng madaling-araw sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko. Umabot sa Task Force Charlie ang alarma ng sunog bago tuluyang naapula ito, ganap na alas- 6:58 ng umaga.
Tinatayang aabot sa P7 milyon ang halaga ng ari-ariang napinsala rito, habang patuloy ang pagsisiyasat sa pinag-ugatan ng apoy.
Sa kasalukuyan, tinitingnan ng awtoridad na problema sa kuryente ang ugat ng nasabing sunog.