MANILA, Philippines - Ipinagharap ng patung-patong na kaso ang isang mataas na opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa diumano’y kabiguan magbayad ng obligasyon sa milyong kontratang pinasok ng ahensiya sa Information Technology (IT) provider ng biometrics clearance system.
Mga kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards) and Republic Act No. 9485 (Anti-Red Tape Act) laban kay NBI Deputy Director for Comptrollership Rafael Marcos Ragos sa Office of the Ombudsman.
Bunga ito ng reklamong inihain ng Realtime Data Ma nagement Services Inc. (RDMSI), sa pamamagitan ng vice president for external affairs na si Atty. Orlando Dizon.
Kabilang sa akusasyon ang pag-ipit umano sa bayaring nasa P14 milyon (net of withholding taxes) sa serbisyong ipinagkaloob ng nasabing kumpanya sa NBI simula Hulyo hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan.
Tumanggi umano si Ragos na iproseso ang di pa kumpletong bayarin sa nasabing IT provider na nagdulot ng ‘undue injury’ sa operasyon ng kumpanya tulad halimbawa ng pagbili ng ink cartridges para sa printers ng 68 sites sa bansa.
Ani Atty. Dizon, hindi umano tumugon si Ragos sa direktiba ni Justice Sec. Leila de Lima at NBI director Nonnatus Rojas na bayaran na ang RDMSI.
Hiling din ng kumpanya na isailalim sa preventive suspension si Ragos upang di niya umano magamit ang kapangyarihan at posisyon sa imbestigasyon.
Maliban pa dito, may liabilities pa din ang NBI na serbisyong mula Oktubre hanggang ngayong Disyembre na nagkakahalaga ng P17,225,361.90, na ayaw pang bayaran.