MANILA, Philippines - Umabot sa mahigit sa P2 milyong halaga ng alahas ang natangay sa isang 77-anyos na ginang matapos na pagnakawan ng hindi pa matukoy na suspect sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon kahapon.
Ang insidente ay nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktimang si Feliza Borje, retiradong travel agent ng Mapagkumbaba St., Brgy. Sikatuna Village, QC.
Sinasabing natangay sa biktima ang isang piraso ng chain na may pendant na nagkakahalaga ng P500,000; isang piraso ng kuwintas na may diamond (P500,000); isang set ng earrings na may two carrat diamond (P500,000); at pitong piraso ng diamond rings P1,000.000.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Cristituto Zaldarriaga, may-hawak ng kaso, ang pagkawala ng mga alahas ay nadiskubre mismo ni Borje, sa may closet sa kanyang kuwarto.
Huli umanong nakitang intact ang naturang mga alahas ng biktima noong ikalawang linggo ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Zaldarriaga, ang biktima ay nasa kanyang bahay lamang kasama ang manugang na si Ernesto Mariano, 56, at kasambahay na si Roxan Alburo, 19.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad upang malaman kung sino ang magnanakaw at kung papaano ito nakapasok sa loob ng bahay dahil walang nakitang force entry at may mga alaga pa itong tatlong aso.
Bagama’t madalang namang umalis ng kanyang bahay si Borje, wala naman anyang nakitang kakaiba ito at kasambahay na nangyayari dito sa nakalipas na mga araw.