MANILA, Philippines - Naging madugo ang isinasagawang clearing operation sa mga illegal vendors sa tiangge sa Pasig Public Market matapos na pagbabarilin ng isang hindi kilalang lalaki ang tatlong personnel ng Batas ng Ciudad Enforcement Office (BCEO) na ikinasawi ng dalawa sa mga ito at malubhang ikinasugat ng isa pa kamakalawa ng gabi.
Kaagad namang ipinag-utos ni Pasig City Mayor Bobby Eusebio ang masusing imbestigasyon at agarang pagresolba sa pagkamatay nina Rey Martinada, 25, ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City at Rommel Caiga, 39, ng Barangay Rosario.
Ang dalawa ay nasawi bunsod ng tinamong ilang tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, malubha ring nasugatan si Alma Lacy, 50, na kasalukuyan pang ginagamot sa Pasig City General Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang pisngi.
Nabatid na ipinag-utos na rin ni P/Senior Supt. Mario Rariza, hepe ng Pasig City Police, ang isang manhunt operation laban sa hindi kilalang suspek na inilarawang 5’8’’ ang taas, kulot, medium built at nakasuot ng dark na stripes t-shirt.
Dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang krimen habang nagsasagawa ng night clearing operation ang tatlo sa Market Avenue, sa Brgy. Palatiw laban sa mga illegal vendors sa tiangge sa palengke.
Sa salaysay ni Jackson Leonidas, 32, kasamahan ng tatlo, bigla na lamang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang tatlo habang nakikipag-usap sa mga pinaaalis na vendors.
Kaswal lamang umanong umalis sa lugar ang suspek bitbit ang baril na ginamit sa krimen.