Salpukan ng 2 motorsiklo: 3 patay, 1 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang tatlong katao habang nasa kritikal na kondisyon ang isa pa matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot sanhi ng pinsala sa ulo at katawan sina Efren Dagooc Jr., 23; Carmelito Umadlao Jr., 25, kapwa ng Damong Maliit, Quezon City at Marden Borres, 17, ng Urban Homes, Bagumbong, Caloocan City.

Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center si Peter Paul Dima­taga, 17,  ng Damong Maliit ng nasabing lugar.

Iniimbestigahan naman ng mga pulis si Jay Alcan­tara, 33,  ng La Forteza, Camarin at driver ng isang jeep (NEW-149).

Sa ulat ng Caloocan City Police Traffic Bureau, na­ganap ang insidente dakong ala-1:30 ng mada­ling araw sa Camarin Road, Camarin, Caloocan City.

Nabatid na minamaneho ni Alcantara ang isang jeepney at si Borres naman ay nagmamaneho ng Yamaha (3177-TJ).

Dahil kapwa nila binabagtas ang nabanggit na lugar,­ nag-overtake si Borres kay Alcantara.

Hindi nakontrol ni Borres ang preno at sumalpok sa kasalubong na si Dagooc na angkas sina Dimataga at Umadlao sa Kawasaki Fury (1632-KJ).

Nagsalpukan ang dalawang motorsiklo na naging dahilan upang tumilapon  ang mga ito ilang metro ang layo.

Dahil sa malagim na aksidente, kaagad na bi­nawian ng buhay ang tatlo at si Dimataga naman ay mabilis na dinala sa nabanggit na ospital. Inaalam pa  kung may pananagutan si Alcantara sa aksidente.

Show comments