MANILA, Philippines - Patay ang tatlong holdaper matapos na makipagpalitan ng putok sa tropa ng Quezon City Police District (QCPD) habang inaaresto ang mga ito sa isinagawang follow-up operation makaraang holdapin ang isang sangay ng Monterey meat shop sa lungsod.
Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Mario O. Dela Vega ang mga nasawi sa pamamagitan ng nakuhang identification card sa mga ito na sina Delfin Benitez; Mike Juval; at Daniel Caranto.
Ayon kay Dela Vega, natunton ang kinaroroonan ng mga suspect matapos na mahuli ang isa nilang kasamahan na si Orlando Manuel Jr., 44, na siyang naging daan para arestuhin ang mga nasawi.
Nangyari ang engkwentro sa may Antoniette St., corner Evangeline St., Parkway Village,Brgy. Apolonio ganap na alas-7:30 ng gabi.
Nauna rito, pinasok ng mga suspect ang Monterey meat shop sa may Mindanao Avenue sakay ng isang taxi na may markang Lady Christensen (TXJ-788) at tinangay ang kita, at mga gamit ng empleyado nito.
Dahil sa nakuha ang plaka ng nasabing taxi, nagsagawa ng beripikasyon ang tropa ng PS3 kung saan natukoy na ang may-ari ng sasakyan ay isang Camilo Obaña kung saan nalaman ng pulisya mula dito na ang taxi ay pinapasada ng driver nilang si Manuel.
Sa pagkaaresto kay Manuel ibinunyag nito ang pinagkutaan ng mga kasamahan na dito na nga nagkaroon ng engkwentro na ikinasawi ng tatlo.