Bangkay ng lalaki natagpuang nakabitin sa puno ng mangga

MANILA, Philippines - Mistulang isang pa­lamuti sa puno ng mangga­ nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki habang nakabitin sa harap ng Land Transportation Office (LTO) sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Ang biktima ay inilarawan  lamang sa pagitan ng edad 20-25, may taas na 5’4’’, payat at may balat sa kanang kili-kili. May 16 peklat na hiwa sa tiyan, nakasuot ng cargo shorts at naka­suot ng itim na t-shirt na may markang Robot Rampage.

Ayon kay PO1 Romeo Nino, may-hawak ng kaso, inaalam pa nila kung may naganap na foul play sa insidente o sadyang nagbigti ang biktima.

Nadiskubre ang ka­tawan ng biktima ganap na alas-7:30 ng umaga sa harap ng LTO na mata­tagpuan sa East Avenue, Brgy. Pinyahan.

Isang babaeng sidewalk vendor ang naka­puna sa katawan ng biktima habang nakabitin sa malaking puno at natatakpan ng mga dahon.

Unang inakala ng baba­e na pabitin lamang­ dahil natatakpan ito ng mga dahon, pero nang lapitan ay saka niya nabatid na tao ang nakabitin.

Agad na ipinagbigay alam ng babae ang in­sidente sa mga awto­ridad, lalo na ang grupo ng bumbero na siya namang pumutol sa taling nakapalupot sa leeg nito para maibaba.

Show comments