MANILA, Philippines - Upang maibsan ang matinding trapik sa Kalakhang Maynila nitong buwan ng Kapaskuhan, pinagsusumite ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga shopping mall operator ng mall schedules tulad ng midnight sale o mall hours extension.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, inaasahan ang pagdagsa ng mga shopper sa mga mall kung kaya’t nakararanas ng matinding trapik sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila tulad ng kahabaan ng EDSA.
Aniya, kailangan ipinapaalam sa kanila ng mga may-ari ng mga mall ang mall schedules nito upang maipakalat ang impormasyon at makapaghanda ang mga traffic enforcers lalo’t skeletal force o konti na lang ang naka-duty na traffic enforcers pagsapit ng gabi.
Inoobliga rin ng MMDA ang mga mall guard na isailalim sila sa traffic training upang makatulong sa pagresolba ng trapik.
“Para makatulong sa trapiko, hindi lamang dapat intindihin ng mga guwardiya ang pagbabantay sa mall premises kundi lumabas na rin ng kalye at umalalay sa trapiko,” panawagan ni Tolentino.
Sinabi pa ni Tolentino na agad nilang iaanunsyo ang mall schedule sa oras na makapagsumite sa kanila ang mga malls operator para maging gabay sa mga motorista at hindi mangunsumi sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Ayon naman kay Javier Hernandez, AVP Commercial Business Group Ayala Land, na handa silang makipagtulungan sa MMDA upang makatulong sa pagsasaayos ng trapiko sa Metro Manila.