MANILA, Philippines - May tatlong araw na umanong hindi nagsisipasok ang mga estudyante ng Highway Hills Integrated School sa Mandaluyong City sa takot na dapuan sila ng sakit na meningococcemia.
Ito’y kasunod na rin nang pagkamatay ng isang Grade 3 pupil ng paaralan kamakailan na sinasabing nasawi dahil sa naturang sakit.
Nabatid na sa mahigit 3,000 mag-aaral ng paaralan ay mahigit 100 lamang ang pumapasok sa klase matapos na mismong mga magulang na ng mga bata ang nagpa-absent sa kanila.
Kaagad namang nilinaw ni Dr. Pecos Camarines, City Health Officer ng Mandaluyong City, na walang dapat ikabahala ang mga magulang at mga estudyante.
Aniya, batay sa isinagawang pagsusuri ng Department of Health (DOH) sa mag-aaral ay hindi naman meningococcemia ang ikinasawi nito.
Kaugnay nito, nag-iikot na ang mga opisyal ng paaralan upang himukin ang mga magulang na payagan nang magsipasok ang kanilang mga estudyante dahil wala naman na umanong dapat ipangamba ang mga ito.
Inaasahang magsasagawa rin ng fogging activities ang pamunuan ng paaralan para tiyaking ligtas sa anumang bacteria o virus ang paaralan para sa ikapapanatag ng mga magulang ng mga estudyante.
Nabatid na ilan sa sintomas ng meningococcemia ay lagnat, pananakit ng ulo, anxiety, pagiging iritable, pananakit ng muscle, pagkahilo, pagkakaroon ng rashes, at pagdurugo sa ilalim ng balat.