MANILA, Philippines - Natimbog na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang miyembro ng notoryus na ‘Dominguez carjack gang’ na sinasabing sangkot sa pagdukot sa car dealer na si Venson Evangelista sa isinagawang operasyon sa Las Piñas City, kahapon ng umaga.
Nasa kustodiya ngayon ng NBI sa Maynila ang suspect na si Joel Jacinto, na may mga alyas na Eduardo Fernandez at Joel, 42, tubong Cabanatuan City at residente ng Greenfield CAA Las Piñas City.
Gamit ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Ma. Luisa C. Quijano-Padilla ng Quezon City RTC Branch 215, sa pagdakip kay Jacinto sa kaniyang bahay, kaugnay sa kasong carnapping with homicide.
Matatandaang si Jacinto ay isa sa inginuso na dumukot sa car dealer na si Evangelista, na kalaunan ay nadiskubreng sunog ang katawan sa Cabanatuan, Nueva Ecija noong Enero 14, 2012. Si Evangelista ay dinukot sa pamamagitan ng pagkukunwaring bibili ng kotse ng suspect at nagsagawa ng isang test drive ng Toyota Land Cruiser, na paraan upang siya ay tangayin.
Ang ama ng biktima na si Arsenio Evangelista ay isang director ng Task Force Volunteer Against Carnappers ang humingi ng tulong sa NBI upang maisilbi ang warrant.