Salvage victim, ikinahon at saka itinapon

MANILA, Philippines - Isa na namang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang ikinahon at saka itinapon sa kalye sa Sta. Cruz, Maynila ang na­tag­puan kahapon ng umaga.

Inilarawan ang biktima na nakasuot ng t-shirt na may tatak na “Don’t Gut Me”, checkered shorts na puti at kumbinasyong itim,  5’4 ang taas, may edad na 38-42, may tattoo na  “Merden, Edgar Bait, Ina Obet” sa kanyang dibdib; “ODB, Yagit, Malupit, BOY 82”  sa kanyang likod at “Patrick” naman sa kanang braso

Sa ulat ni  SPO2 Milbert Balinggan, dakong alas-4:30 ng umaga nang mapansin  ni Martha Duldulao ang kahon sa kal­sada at doon natuklasan na bangkay ang laman nito.

Nakagapos ang mga kamay ng packaging tape at asul na plastic straps sa leeg bago binalutan ito ng kulay pulang tela. Napupuluputan ng brown na nylon cord ang bibig ng biktima.

Sa mas masusing pagsusuri,  nagtamo ng maraming tama ng saksak  sa katawan ang biktima at may mga sugat din sa leeg, kamay  at paa.

Show comments