Kelot binistay ng bala

MANILA, Philippines - Patay ang 19-anyos na lalaki nang bistayin ng bala ng hindi pa nakilalang salarin, habang bumibili ng pagkain sa tindahan na katabi lamang ng isang barangay hall, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-arrival sa Tondo General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan  ang biktimang si Kevin Joseph Canlas, walang trabaho, residente ng no. 782 Solis St., Gagalangin, Tondo, Maynila.

Pinaghahanap naman ang suspect na inilarawan  sa edad na  32 hanggang 35, na armado ng di pa batid na kalibre ng baril  at madalas umanong tambay sa lugar ng pinangyarihan.

Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa panulukan  ng Cavite at Lucban Sts., Gagalangin, Tondo.

Bago ang pamamaril, bumili sa tindahan ang biktima na matatagpuan sa tapat ng Barangay Hall no. 167 nang magkatinginan umano ang biktima at suspect na nauwi sa pagtatalo.

Nang umawat ang pinsan ng biktima,  nagalit pa lalo umano ang suspect at umalis panandalian at sa pagbalik ay may bitbit ng baril at mabilis na binistay  ng bala ang biktima.

Nagawa pa umanong makatakbo  ang biktima kasama ang kanyang pinsan ngunit bumagsak din ito  at dinala sa nasabing pagamutan ngunit hindi na rin umabot pang buhay, habang ang suspect ay sinasabing agad na tumakas.

Show comments