MANILA, Philippines - Kalaboso ang dalawang lalaki matapos hagisan ng molotov bomb ang bahay ng isang negosyante na dahilan nang pagkalat ng apoy sa Valenzuela City kahapon ng madaling-araw.
Nakakulong sa Valenzuela City Police ang mga suspek na sina Carlos Morales, 26, ng Wawang Polo ng lungsod at Enrico Manes, 22 ng Obando, Bulacan.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling araw habang magkaangkas sa motorsiklo ang mga suspek at pumarada sa tapat ng bahay ni Roberto Aquino, 42 sa F. Valenzuela St., Brgy. Palasan, Valenzuela City.
Nabatid, na bumaba si Manes at hinagisan ng molotov bomb ang bahay ng biktima dahilan din ng pagkalat ng apoy na nagawa namang maapula ng mga kapitbahay ng biktima.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo na hinabol ng mga barangay tanod at madakip.
Inaalam na ng mga pulis ang motibo sa pagpapasabog ng mga suspek.