3 bata nalitson sa sunog

MANILA, Philippines - Nalitson ang tatlong bata sa  sunog na naganap sa may  Barangay Holy Spirit sa Commonwealth Avenue, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Sinasabing ang dalawa sa tatlong batang nasunog ay  anak ni  Danilo Mercado ng nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, iniwan umano ni Mercado sa kanilang bahay ang dalawang anak na sina Dansing -4 anyos at Danela -7 anyos para bumili ng pagkain na iniwan nitong nakasindi ang kandila sa kanilang tahanan.

Gayunman, laking gulat nito na  pagbalik ng bahay ay  nagliliyab na ang bahay  at hindi na nagawang  sagipin ang mga anak dahil sa laki ng apoy .

Mabilis naman umanong  kumalat ang apoy sa mga katabing bahay ni Mercado na pawang mga  gawa sa light materials dahilan para madamay sa sunog ang  bahay ng isa pang nasawing bata na nakilalang si CJ Tubo, 9 -anyos.

Kahapon lamang natagpuan ang sunog na sunog na bangkay ni Tubo. Ayon sa mga  kaanak ng biktima, nakalabas na umano ng bahay si  Tubo pero  bumalik pa ito sa kanilang bahay nang hindi  makita sa labas ang kanyang ama.

Sa sunog na ito, may  50 kabahayan ang nilamon ng apoy at hindi bababa sa isang milyon ang halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog.

 

Show comments