MANILA, Philippines - Tatlong bata ang iniulat na nasawi sa sunog na naganap sa Las Piñas City at sa Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sa Las Piñas, iniulat na nasawi ang 6-anyos na si Angelo Satur, ng Fatima Compound, Brgy. Zapote.
Natusta ang bata na sinasabing may sakit sa pag-iisip makaraang hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay dahil sa ikinadena ito ng kanyang amain sa loob ng kuwarto.
Ayon sa imbestigasyon ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:00 ng madaling-araw habang mahimbing na natutulog ang biktima. Nabatid na ikinadena umano ang biktima ng kanyang amaing si Bernardo Ocome sa loob ng kwarto nito dahil nga sa may sakit sa pag-iisip ang bata at palaging nagwawala.
Inaalam pa ng Las Piñas City Fire Bureau ang pinagmulan ng sunog. Nabatid sa mga kapitbahay na naririnig nila na humihingi ng tulong ang bata habang nag-aapoy ang bahay.
Tinangka namang tumakas ng ina ng bata na si Analou Satur at amain nitong si Ocome, pero hinabol sila ng mga tanod at kasalukuyang nasa custody na ng mga pulis at nahaharap sa kasong parricide at murder.
Itinanggi ng mga ito na ikinadena nila ang biktima subalit sinabi ng nakababatang kapatid ni Angelo na pinalo ng kanilang amain ang kanyang kuya at saka ikinadena ang kanang paa sa may kuwarto matapos makipag-away kahapon.
Kukupkupin muna ng mga kamag-anak ang dalawang nakababatang kapatid ng biktima.
Samantala, hindi na makilala ang mga bangkay ng magkapatid na paslit makaraang matusta rin sa sunog na naganap sa kanilang bahay sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Roslin, 4 at Raymond Claudar, 7, ng Block A Gasangan, Baseco compound, Port Area, Maynila.
Dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang nagsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Claudar, kung saan naiwang natutulog ang magkapatid habang ang magulang ay nagtitinda ng bawang sa Divisoria.
Sa salaysay ni Raymond Claudar Sr., ama ng dalawang bata, nagtitinda sila ng bawang sa Divisoria nang magtungo ang isang kapitbahay sa kanilang puwesto at ibalita na nasunog ang kanilang bahay.
Nagtataka umano ang matandang Claudar dahil sanay na sila na iwan ang mga anak dahil sa pagtitinda. May kuryente rin sa kanilang bahay at walang delikado tulad ng kandila.
Regular umanong nagtitinda sa night market ang mga magulang ng mga biktima at umuuwi sa tuwing alas-3:00 ng madaling-araw. Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente dahil ang bahay lang ng mga Claudar ang nasunog.