Mag-inang ‘tulak’, 5 pa huli sa drug-bust

MANILA, Philippines - Arestado ang mag-inang drug pushers sa Pasay City habang lima pang katao ang nadakip din sa pinaigting na anti-drug ope­rations ng Southern Police District (SPD) kamakalawa.

Kinilala  ang inarestong mag-ina na sina Carmelita Roa, 46; at anak na si Catherine R. Arias, 25, kapwa residente ng Brgy. 4 Zone 2, Pasay.

Dakong alas-5 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Pasay Police Station Anti-Illegal Drugs unit sa balwarte ng mag-ina. Dinampot ng mga nakaantabay na pulis ang mag-ina makaraang magbenta ng isang pakete ng shabu sa isang poseur buyer. Nakumpiska sa mga suspek ang pitong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Alas-5:30 kamakalawa ng hapon naman nang arestuhin ng mga tauhan ng Paranaque City Police ang apat na estudyante sa isang buy-bust operation sa  Dela Cruz Compound, San Isidro, ng naturang lungsod.

Nasakote ang 24-anyos na si Jerico Paderes makaraang magbenta ng hindi pa mabatid na dami ng marijuana sa asset ng pulisya. Nakumpiska rin sa posesyon nito ang P500 marked money.

Pinagdadampot naman sina Junelle Nolasco, 24, ng Nha, San Nicolas; Francis Baytan, 21; at Ronnel Beltran, 21, nang maaktuhan sa gitna ng kanilang “pot session”.

Nadakip din ang 38-anyos na si Jerry Daylo y Sarabia, ng #30 Sterly Street, Bart­ville Subidivision, Pasig City.  Nakumpiska sa posesyon­ nito ang isang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,000.

Show comments