MANILA, Philippines - Kung may salisi sa mga pagamutan, sumasalisi na rin ang mga kawatan sa loob mismo ng paaralan.
Ito ay matapos na maaresto ang isang 26-anyos na babae makaraang tangkain nitong salisihan ng gamit ng isang guro sa loob ng isang kuwarto ng pampublikong paaralan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si Cristine Dacanay ay nakapiit ngayon sa himpilan ng Police Station 4 matapos madakip ng mga rumespondeng barangay tanod ng Brgy. San Bartolome.
Inaresto si Dacanay makaraang tangkain nitong kunin ang wallet ng gurong si Helen Mallari, 52, na nagtuturo sa San Bartolome Elementary School, sa Novaliches.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente ganap na alas -11 ng umaga.
Diumano katatapos lamang magturo ng guro at lumabas sandali sa classroom nito para ihatid ang kanyang mga estudyante sa gate, nang sumalisi ang suspect at kinuha ang naiwang wallet ng una na may lamang P200.
Pero nakita ang suspect ng kasamang guro ng biktima na si Nora Labandera at tinangkang pigilan ito. Pero sadyang mabilis ang suspect at nagawang maka-alpas sa humahabol na si Labandera.
Sa puntong ito, nagsisigaw na lamang ng tulong si Labandera na nagbigay atensyon sa security guard ng school at hinabol ang suspect. Ang paghabol ng sekyu ay nakita ng mga barangay tanod sa lugar at agad na tumulong para habulin ang suspect hanggang sa tuluyan itong madakip habang papasakay ng isang pampasaherong jeepney.
Narekober ng awtoridad sa suspect ang nakuhang wallet ng biktima.
Ayon kay QCPD-Station4 commander Superintendent Crisostomo Mendoza, ang suspect ay isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong theft.