MANILA, Philippines - Natigil ang sinasabing matagal nang modus sa pangongotong ng isang traffic enforcer ng Pasay City Hall makaraang maaresto ito sa isang entrapment operation ng Pasay City Police, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakilala ang inaresto na si Rodolfo Magadia, 48, miyembro ng Pasay City Traffic and Parking Management Office.
Sa ulat ng Pasay City Police, nakatanggap sila ng ulat sa regular na pangongotong umano ng mga traffic enforcers na nakatalaga sa may Andrew Avenue malapit sa Ninoy Aquino International Airport.
Dito ipinag-utos ni Pasay Police officer-in-charge Sr. Supt. Rodolfo Llorca ang pagsasagawa ng entrapment operation kung saan isang pulis ang nagpanggap na sibilyang motorista na sinadyang magpahuli kay Magadia dakong alas-9 kamakalawa ng gabi sa may Andrew Avenue, Tramo.
Hiningan umano ng suspek ang pulis ng P500 ngunit isang marked money ang iniabot nito. Dito na inaresto ng mga nakaantabay na alagad ng batas si Magadia.
Sinampahan ng kasong robbery extortion ng pulisya sa Pasay Prosecutor’s Office si Magadia.