MANILA, Philippines - Dahil sa kaliwa’t kanang utang, naisipan na lamang magbigti ng isang driver sa loob ng kanyang bahay, sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Ariel Francisco, 34, may-asawa, personal driver ng isang abugado at residente ng #2162 Road 3, Fabie St., Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Amelito Lopez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:40 ng umaga nang madiskubre ng kanyang landlord na si Jerry Perez, 30, ang biktima na nakabitin sa hagdanan ng paupahang bahay.
Bumulaga umano sa paggising ni Perez ang nadaanang nakabigti sa hagdanan gamit ang isang electrical wire.
Mabilis na ipinabatid ni Perez sa natutulog na si Marlene, 39, misis ng biktima ang nakita.
Ayon naman umano kay Marlene, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang huli umano silang mag-usap ng mister na malaki umano ang problema sa dami ng hindi nababayarang utang dahil sa sobrang kakapusan.
Tumanggi na si Marlene na magsagawa pa ng malalimang imbestigasyon sa insidente dahil wala umanong foul play kundi suicide ang nangyari.