2 sangay ng LBC magkasunod na hinoldap

MANILA, Philippines - Muling umatake ang kilabot na mga nakamotor­siklong mga holdaper makaraang dalawang sangay ng LBC ang magkasunod na hinoldap  kahapon ng hapon sa Las Piñas City.

Ayon kay Las Piñas Police chief, Sr. Supt. Romulo Sapitula, hinoldap ng tatlong armadong lalaki ang LBC branches sa Brgy. Talon Uno at sa Brgy. Pamplona Dos.

Dakong alas-12:45 ng hapon umano ng pasukin ng mga holdaper ang sangay ng LBC sa Talon Uno kung saan nasa P30,000 salapi ang natangay ng mga ito.  Kasunod nito, dakong ala-1 naman ng hapon nang holdapin rin ng tatlo ring armadong lalaki ang LBC sa Brgy. Pamplona Dos kung saan nasa P15,000 naman ang natangay.

Agad na tumakas ang mga suspect lulan ng mga motorsiklo habang bigo ang pulisya na masakote ang mga ito.

Ayon kay Sapitula, tinitignan nila kung parehong mga suspek rin ang nanloob sa dalawang sangay o magkaibang mga salarin ngunit sa iisang grupo lamang.  May lead na umano sila dito dahil sa nakunan ng footage ng nakakabit na “closed circuit television camera (CCTV)” ang insidente.

 

Show comments