MANILA, Philippines - Isang hindi pa kilalang babae ang natagpuang basag ang bungo at walang buhay sa gilid ng Estero, sa Vitas, Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ni SPO1 Jonathan Moreno ang biktima sa edad na 23-30, may taas na 5’2’’ hanggang 5’4’’, nakasuot ng kulay pink na long sleeve na may tatak na “SAULT”, pulang jogging pants at walang anumang sapin sa paa.
Sa imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng umaga nang matagpuang patay ang biktima sa gilid ng Harbour Center, sa Road 10, Vitas Tondo, Maynila.
Nauna rito, napansin ni Ronald Directo, guwardiya ng Harbour Center na may pinagkakaguluhan ang mga usisero sa nasabing lugar at nang kanyang usisain ay nakita ang bangkay ng biktima na nakadapa at ang ulo ay nakapatong sa malaking bato, habang ang kamay ay nakapatong sa ulo.
Nakuha rin sa tabi ng biktima ang isang duguang Nokia cellphone na may sim card subalit walang pagkakilanlan sa kanya.
Inaalam pa ng pulisya kung sino ang salarin at kung ano ang motibo sa pagpatay.