MANILA, Philippines - De-kotse pa at babae mismo ang snatcher na tinutugis ngayon ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nambiktima sa isang Korean national na nagtamo ng mga galos matapos makaladkad at bumagsak nang tangkaing bawiin ang natangay na bag na naglalaman ng lap top, cellphone, passport at $100 sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa reklamong inihain sa pulisya ng biktimang si Ah Jeung Hwan, 30, ng South Korea at pansamantalang nanuluyan sa Manila Pavillon Hotel sa UN Ave., Ermita, hinablot umano ang kanyang bag dakong alas-4:30 ng hapon, habang naghihintay ng taxi sa UN Avenue sa panulukan ng M. Orosa St.
Nag-check-out umano sa nasabing hotel ang biktima at patungo ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para umuwi na sa kanilang bansa at hindi agad napansin ang dumaang Mitsubishi Adventure na may sakay na babae ang humablot ng kanyang bag.
Tinangka pang habulin ng biktima ang sasakyang may plakang “ZKN-441” o “ZKN-411” subalit kahit nahawakan na ang pintuan ng sasakyan ay mabilis na pinatakbo ng lalaking driver kaya nakaladkad siya at bumagsak sa kalye, sanhi rin ng pagkakaroon niya ng mga galos.
Dahil dito, nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya kasabay ng pagberipika sa kung sino ang may-ari o nakarehistro ang nasabing sasakyan.