MANILA, Philippines - Ligtas na pinakawalan ang tatlong paslit ng sarili nilang ama ilang oras makaraang i-hostage sa loob ng kanilang bahay nang tumangging ibigay ang kustodiya sa mga ito sa ina ng mga bata, kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.
Inaresto ng Muntinlupa City Police ang amang nang-hostage na nakilalang si Angelito Carino, 30, obrero, at naninirahan sa Soldier’s Hills, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang hostage drama dakong alas-10 ng umaga sa loob ng bahay ng suspek.
Nabatid na unang nagtungo sa bahay ang nakipaghiwalay na live-in partner ni Carino na si Flor Villafuente, 23, upang dalawin umano ang mga anak na may edad 6, 3, at 3-buwang gulang.
Sa halip na ipakita ang mga anak, ikinulong ni Carino ang mga bata sa loob ng bahay at nagbanta na sasaktan ang mga ito. Humingi naman ng saklolo si Villafuente sa mga pulis at barangay tanod sa lugar na unang nakipagnegosasyon sa suspek.
Pumasok naman ng bahay ang tiyahin ng suspek na siyang nagkumbinse rito na pakawalan na ang mga anak na sinunod naman ng suspek.
Nabatid na ayaw umanong ibigay ni Carino ang kustodiya sa mga anak kay Villafuente na siyang nararapat na mangalaga sa mga bata dahil sa ito ang ina. Dinala naman ang mag-asawa sa barangay hall ng naturang lugar upang pag-usapan ang kanilang problema.