MANILA, Philippines - Nababalot pa rin ng hiwaga ang katauhan ng isang babaeng natagpuang patay habang walang saplot sa buong katawan sa inuupahan nitong silid sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Base sa nakuhang impormasyon ng MPD-Homicide Sec tion, ang biktima ay kilala lamang sa alyas na Vicky, nasa 45-49 anyos, maputi, singkit at nangungupahan sa Carlos P. Garcia St., Tondo.
Dakong alas-9:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima nang distrungkahin ang naka-lock na silid nito, bunsod ng masangsang na amoy na umaalingasaw sa mga kapitbahay nito.
Tumambad ang hubot-hubad na katawan ng biktima na nakahandusay sa lapag sa tabi ng kama.
Nagawang ipagtanong sa isang Gina, 52-anyos, residente ng Sebastian St., Tondo dahil ito lamang ang alam ng mga kapitbahay na kaibigan ng biktima at sinabi nito na maging siya ay nahihiwagaan din sa katauhan ng nasawi.
Kamakailan lamang umano niya nakilala ang biktima na nakiusap na makikitira sa kaniyang bahay. Lumipas ang 3 buwan ay nagpaalam umano ito na lilipat sa bakanteng kuwarto sa CP Garcia St.
Nagtataka umano si Gina kung bakit pinapupunta siya sa bahay ng biktima upang siya ang utusan na pagbayarin sa may-ari ng inuupahang silid, tuwing ika-15 ng buwan at katapusan.
May dumarating din umanong padalang mga liham sa biktima na may Japanese characters at ang nakalakip ay ang pambayad sa kuryente, renta ng bahay at bayad sa tubig.
Sa tagal umano ng pagkakilala ay hindi nagsasabi ng tunay na pangalan ang biktima kay Gina.