MANILA, Philippines - Nasa 19 pang pulis, karamihan ay mga baguhan, ang sinibak sa tungkulin ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) dahil sa kinakaharap na mga kasong kriminal at administratibo.
Sa datos na ipinadala ng NCRPO, nangunguna sa mga sinibak sina Chief Insp. Reynante Ibon ng Southern Police District na nahaharap sa kasong “murder at attempted murder” sa Taguig City. Kasama dito sina PO1 Roberto Cruz at PO3 Morris Malindog, kapwa ng Manila Police District (MPD) na may kasong pagnanakaw at child abuse kung kailan natangay nila ang P2 milyong halaga ng salapi. Nabatid na nasawi na si Malindog nitong Agosto 24. PO1 Vincent Paul Medina (MPD), may kasong extortion sa dalawang Koreano; PO3 Ricardo Ailes at PO1 Herminigildo Gajeto (SPD), grave misconduct, illegal arrest, extortion; SPO1 Cirilio Zamora at PO1 Norlito Daguman, robbery extortion; SPO1 Agustin Villanueva (Quezon City Police District), grave misconduct; PO3 Reynaldo Angeles (QCPD), nakawala ng hanheld radio; PO2 Rolando Manipolo (MPD) at PO1 Robert Ryan Noe (QCPD), frustrated homicide at serious physical injuries; PO1 Bernardino Meneses (SPD), murder; PO3 Gerardo Javier, PO1 Sieroma Prudente at PO1 Julius Enderio (MPD), PO3 Pacholo Nang (NPD), PO1 Abdulah Ontuwa (Eastern Police District) at PO1 Eric Raz Nicodemus (SPD) pawang mga AWOL (absent without leave).
Bukod dito, limang pulis rin ang ibinaba ng ranggo habang 20 pa ang sinuspinde dahil sa sari-saring paglabag epektibo kahapon. Mula nang umupo si NCRPO Director Leonardo Espina nitong Setyembre, nasa 58 pulis Metro Manila na ang sinibak sa tungkulin sa pinaigting na kampanya na linisin ang hanay ng pulisya sa mga bugok na tauhan.