Karpintero patay sa love triangle

MANILA, Philippines - Ang pagdalaw sa dating live-in partner na nabihag na ng ibang lalaki ang naging ugat sa pagkasawi ng isang karpintero makaraang pagtulungan siyang bugbugin at saksakin ng karibal at mga kabarkada nito kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Nakilala ang nasawi na si Aben Acebron, 43-anyos, ng Antipolo City, Rizal. Nagtamo ito ng maraming tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman ng mga rumes­pondeng tauhan ng Police Community Precinct Manuyo at mga barangay tanod ang mga suspek na sina Rolly Layno, 33 at Ruben Sacmar, 27, kapwa residente ng Manukan Delta, Brgy. Manuyo Dos, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ang dalawang kasamahan ng mga ito na nakatakas at kinilalang sina Rodel Sacmar at Jovito Sacmar.

Ayon sa ulat, nagtungo ang biktima sa lugar ng kanyang dating live-in partner na si Ailen Barcia, 39, na ka­salukuyan namang kinakasama ng suspek na si Layno.

Inabutan naman nina Layno ang biktima na kausap ni Barcia sanhi upang magalit ito at pagtulungang gulpihin si Acebron. Isa sa mga sus­pek ang nagbunot ng patalim at su­nud-sunod na inundayan ng saksak ang biktima.

Show comments