Mayor Lim, namahagi ng pangnegosyo sa 200 Manilenyo

MANILA, Philippines - Umaabot sa P300,000  ang  capital assistance na ipinamahagi ni Manila Mayor Alfredo Lim sa may 200 na mahihirap na residente ng Maynila mula sa anim na distrito upang makapagsimula ng kanilang  maliit na kabuhayan.

Kasabay nito,  naniniwala  ang  lungsod ng Maynila na ito rin ang paraan upang  mabawasan ang  anumang  krimen na dahilan ng  kahirapan.

Ayon kay Lim, sa puhunang ipinamahagi may pagkakataon na ang mga mamahihirap na Manilenyo na magkaroon ng maliit na negosyo na makakapagbigay sa kanila ng  maayos na pamumuhay.

“Ang lungsod ng Maynila ay tumutulong sa inyo nang walang interest. Puwede kayong magtayo ng kahit anong negosyo na inyong gustuhin.  Kasabay nito ay ang aming pangaral sa inyo na palaguin ninyo ang perang ipinagkatiwala sa inyo ng siyudad ng Maynila,”  ani Lim.

Gayunman, pinayuhan ni Lim ang  mga residente na bayaran din ang kanilang mga inutang  upang mapaikot at mapautang din  sa iba pang mga nangangailangan.

Ipinaliwang naman ni Social welfare department chief Jay dela Fuente  ang soft loans na P1,500 ay pan­dagdag sa mga may negosyo na at may pagkakataong palaguin pa ng kanilang mga  negosyo.

Wala umanong interes ang uutangin na babayaran sa loob ng  10 linggo mula sa ‘Tulong Kapwa Scheme’.

Sinabi ni dela Fuente na nais ng alkalde na mabig­yan ng maayos na pagkakitaan ang mga mahihirap na mamamayan kung kaya’t agad itong ipinatupad noong 2007 sa ikalawang  pag upo ni  Lim bilang alkalde.

Ito rin aniya ang naki­kitang paran ng city government upang mabawasan din ang paggawa ng  anumang krimen tulad ng pagnanakaw at holdapan.

 

Show comments