MANILA, Philippines - Bangkay na nang iahon sa isang hukay na puno ng tubig sa loob ng isang construction area ang isang 9-anyos na paslit makaraang itulak ng isang 11-anyos na batang lalaki na nangikil sa una, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Dakong alas-10 kamakalawa ng umaga nang maiahon ang bangkay ng biktimang itinago sa alyas na “KS”, residente ng Mini Park, Fort Bonifacio, sa malalim na hukay sa loob ng HI Build construction area sa may 26th Street, The Fort, Fort Bonifacio, ng naturang lungsod.
Nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development-Taguig ang suspek na itinago sa alyas na “SR”, residente ng Sta. Ana, Pateros.
Sa ulat ng Taguig City Police, nabatid na naglalaro sa loob ng naturang construction site ang biktima at isa pang batang lalaki na si JB dakong alas-12:45 ng hapon nang dumating ang suspek at isa pang hindi nakilalang kasamahang bata rin saka kinikilan ng pera ang dalawa.
Nang tumanggi ang dalawa, ginulpi sila ng mga nagsisiga-sigaan na bata hanggang sa itulak ng suspek na si SR ang nasawing si KS sa hukay na puno ng tubig habang nagawang makatakbo ni JB.
Nagawa lamang mailahad ni JB ang nangyari sa biktima nang magtungo sa kanilang bahay ang mga magulang nito nang hindi umuwi ng dalawang araw si KS. Mabilis na humingi ng saklolo ang mga magulang ng biktima sa mga opisyal ng barangay at Fort Bonifacio Police Community Precinct (PCP) na siyang sumisid sa naturang hukay sa naturang construction site kaya nagawang marekober ang bangkay ng paslit.
Agad na tinungo ng mga awtoridad ang bahay ng suspek na kusang-loob namang isinuko ng mga magulang nito.
Nakatakdang sampahan ngayon ng kasong sibil ng mga magulang ng nasawing paslit ang mga magulang naman ng suspek na bata habang iniimbestigahan na ng Taguig City Police ang operator at may-ari ng construction site dahil sa posibleng kapabayaan at pananagutan sa naturang krimen.