Lady trader binoga sa ulo

MANILA, Philippines - Patay ang babaeng ne­gosyante matapos na mala­pitang barilin sa ulo ng hini­hinalang gun for hire  sa Bi­nondo, Maynila, kamakalawa ng umaga.

Hindi na umabot pang buhay­ sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JASGH)­ ang biktimang kinilalang si Almira Pastor Reyes, residente ng Bagong Pag-asa, St., Binondo, Maynila.

Patuloy pa ang pagkalap ng testigo at ebidensiya ng Manila Police District-Homi­cide Section para madakip ang salarin na base sa nakuhang kopya ng closed circuit television (CCTV) ay nasa edad 30-35, armado ng baril na naglakad lamang nang kaswal matapos mapabulagta niya ang biktima nang paputukan sa likod ng ulo nang malapitan.

Nabatid kay PO3 Rodel Benitez, ng Homicide Section, na may nakakabit na CCTV sa ikalawang palapag ng ba­rangay hall at kuhang-kuha ang pangyayari  dakong alas-7:15 ng umaga.

Nakitang nakatayo sa harapan ng isang karinderya ang biktima, sa Penarubia St. malapit sa panulukan ng Delpan St., habang tumawid naman  ang gunman, na mistulang kumu­kuha lamang­ ng tiyempo at naglakad patungo sa biktima saka doon walang sabi-sabing binaril ang huli.

Sumaklolo ang mga naka­tambay sa lugar at dinala sa kalapit na pagamutan ang biktima subalit hindi na rin naisalba ang buhay nito.

 

Show comments