P1-M natangay sa bahay ng trader

MANILA, Philippines - Aabot sa P1 milyong halaga ng salapi ang natangay sa isang negosyanteng Chinese makaraang pasukin ang bahay nito ng apat na armadong suspect sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima ay nakilalang si Ku Wai Qing, 61, dalaga, at naninirahan sa B7 L1, Diamond Village, Zabarte Extension, Bgy. Kaligayahan sa lungsod.

Patuloy naman ang pagsisiyasat ng CIDU sa sinasabing mga suspect na pawang mga armado ng baril at pumasok sa bahay ng biktima dakong alas 7:30 ng gabi.

Lumilitaw na nagpapahinga ang biktima kasama sina Julie Anne Garonga, Reynante Isano, Marlon Quinarongan, Evelyn Digenio at security guard na si Virgilio Sorongon, sa may garahe ng nasabing bahay nang biglang pumasok ang apat na suspect.

Agad na tinutukan ng baril ng mga suspect ang mga biktima, kung saan hinila ng mga ito si Ku papasok sa loob ng bahay patungo sa kuwarto nito na nasa ikalawang palapag kung saan nakalagay ang nasabing pera.

Nang makuha ng mga suspect ang pakay sa biktima ay saka nagsitakas ang mga ito, kung saan nabigyan ng pagkakataon si Reynante na makatawag sa barangay hall para humingi ng saklolo.

Ang barangay official na rin ang tumawag ng pulis para sa kaukulang pagsisiyasat.

 

Show comments