MANILA, Philippines - Ilang pulis ang kabilang sa mga nahuling nagmamaneho ng kolorum na sasakyan sa ginawang operasyon laban sa mga ito ng Quezon City Police District kamakailan.
Kinilala ang tatlong pulis na sina SPO1 Ricky Fernando ng PNP Maritime Group, PO3 Eduardo Ducanes ng Crime Laboratory at PO2 Russel Sangoy ng QCPD-Station1.
Ayon kay Superintendent Reynaldo Ramirez, hepe ng QCPD-DSOU, kinumpiska na ang driver’s licenses ng mga nabanggit na pulis matapos ang operasyon nitong nakaraang Miyerkules sa may kahabaan ng Panay at Quezon Avenue at EDSA.
Sabi ni Ramirez, si Fernando ay nagmamaneho ng Asian utility vehicle nang walang plaka.
Tulad din ni Ducanes. Ang dalawang nabanggit na sasakyan ay bumibiyahe sa ruta nito sa EDSA nang walang prankisa.
Habang si Sangoy, naman ay inaresto dahil sa pagmamaneho ng “FX taxicab” nang walang prangkisa sa may panulukan ng Araneta at Quezon Avenues.
Kamakailan lang ay naka-aresto ang tropa ni Ramirez ng isang taxi driver at isang kasamahan nito dahil sa panghoholdap at pangmomolestiya pa sa babaeng pasahero.