Umawat sa away, pinatay

MANILA, Philippines - Dahil umawat sa away, isang lalaki ang binaril at napatay ng isa sa mga suspek na naghiganti dito sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Nodado Hospital sanhi ng tama ng bala sa tiyan ang biktimang si Allan Panis, 46,  Ph. 1, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Nakakulong naman sa Caloocan City Police ang suspek na si Elmer Quino, 45,  habang nakatakas ang mga kasamang sina Eric Sagabin; Edmon Sagabin; Mark Braseno;  “alyas Raca” at “alyas Kanong Hilaw, pawang kalugar ng biktima.

Ayon sa imbestigas­yon ng Caloocan City Police, dakong alas-10:00 ng gabi, pinagbabato ng mga suspek ang bahay ng biktima na naging dahilan upang lumabas ito.

Pinagtulungan munang bugbugin ng mga suspek ang biktima at bago umalis ay binaril ito ng isa. Matapos ang insi­dente ay tumakas ang mga suspek habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na ospital, subalit hindi na umabot ng buhay.

Nabatid na bago ang insidente ay umawat lamang ang biktima sa away ni Quino at kapatid na si Aldrin Quino na mina­sama ng mga suspek na naging dahilan upang gantihan si Panis.

Show comments