4 carjackers todas sa shootout

MANILA, Philippines - Apat na pinaniniwalaang mga carjacker ang nasawi matapos na maki­pagbarilan sa mga pulis kahapon ng ma­daling-araw sa Muntinlupa City.

Ayon sa sketchy report ng Muntinlupa City Police, dead-on-the-spot ang mga suspek at da­lawa dito ay nakilalang sina  Ricardo Orbina at Arnel Canque na tumatayo umanong  mga leader ng grupo.

Nabatid kay  Police Senior Supt. Conrad Capa, hepe ng Muntinlupa City Police, na­ganap ang insidente dakong ala-1:30 ng mada­ling-araw sa Don Pedro St., Victoria Homes, Brgy. Tunasan ng nabanggit na lungsod.

Magbebenta sana ng isang Toyota Vios ang mga suspek, na kinardyak nila sa isang  call center agent na naganap sa  España Blvd., Maynila noong nakaraang linggo.

Subalit,  nakatunog ang mga suspek na  nagsasagawa ng operasyon ang mga pulis laban sa kanila, kung  kaya’t nagtangkang tumakas ang mga ito.

Habang tinutugis ng mga pulis ang mga suspek, nabatid na  isa sa mga ito ang nagpaputok ng baril.

Dito na nagkaroon ng pagpapalitan ng putok sa magkabilang panig na nagresulta sa pagkasawi ng apat.

Narekober sa mga suspek na nasawi  ang  type-B police uniforms, pekeng military IDs at ilang  high-powered firearms.

Napag-alaman din  na ang plakang ZCN-566, na nakakabit sa sasakyang ibinibenta nila, ay nakarehistro mula sa isang Toyota Hilux. Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.

Show comments