MANILA, Philippines - Isang 24-anyos na bartender ang sinaksak at napatay ng kanyang live-in-partner matapos ang mainitang pagtatalo kahapon ng umaga sa Sampaloc, Maynila.
Dead-on-arrival sa United Doctors Medical Center (UDMC) ang biktimang si James Soriano ng Ventura St., Sampaloc, Maynila dahil sa tinamong saksak sa dibdib. Inaresto naman habang nag-aasikaso sa biktima ang suspect na si Cherry Coloma, 25.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez, ng MPD-Homicide Section, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente nang dumating umano ang biktima na nakainom at dito na nagsimula ang pagtatalo ng dalawa.
Ang pagtatalo ay nauwi pa umano sa pananakit ng lalaki kay Coloma na nagdilim ang paningin kung saan nakakuha ng kutsilyo at isinaksak kay Soriano.
Sa puntong iyon, nabigla rin at nagsisigaw ang babae na humihingi ng saklolo sa mga kapitbahay kaya nadala sa pagamutan ang biktima kung saan hindi na umabot ng buhay.
Ani Benitez, may isang anak, na dalawang taong gulang na lalaki ang biktima at suspect at may apat na taon na ang kanilang pagsasama. Nitong huli umano ay nadadalas ang pag-aaway ng dalawa dahil sa pera. (Kasama ang trainees na sina Janica Ruiz at Rodelyn Flores)