Pumaslang sa ina at pamangkin, timbog

Nadakip na kahapon ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang follow-up operation ang isang adik na lalaki na responsable sa pagpaslang sa kanyang ina at pamangkin, kamakailan sa Parañaque City.

Dakong alas-2 ng madaling-araw nang dalhin sa Parañaque City Police Station ang suspect na si Gilbert Banzuela, 33, ng Brgy. Sun Valley ng nabanggit na lungsod.

Inihahanda na ang kaukulang kaso laban dito, kaugnay sa pagpaslang sa kanyang ina na si Zenaida Banzuela, 54; at sa siyam na taong gulang niyang pamangkin na si Geleen Banzuela.

May tatlong araw nang patay ang mag-lola nang matagpuan ang mga ito sa loob ng comfort room ng kanilang bahay.

Ayon sa pulisya, matapos ang ginawang pagpaslang ng suspect sa mga biktima agad itong tumakas at nagtungo sa kanyang mga kamag-anak sa Greenfield Subdivision sa Dagupan, Pangasinan kung saan doon ito dinakip ng mga tauhan ng pulisya. (Lordeth Bonilla)

Show comments