Paskong luksa

Dear Dr. Love,

Kung ang araw ng Pasko at Bagong Taon ay mga araw na kinasasabikan ng marami, ito’y araw ng matinding lungkot para sa akin.

Tawagin mo na lang akong Edmund, 45 anyos at halos isumpa ko ang Diyos sa trahedyang dinanas ko sa mismong araw na ito.

May business confidence ako sa Baguio at nanatili ako roon hanggang Pasko para magbakasyon.

Pinasunod ko roon ang asawa ko at tatlong anak.

Tatlong taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang aksidenteng kumitil sa buhay ng buo kong pamilya.

Nahulog sa bangin ang bus na sinasakyan ng pamilya ko. Kay sakit!

Nauna itong nangyari sa isa kong kaibigan at kay lakas ng loob ko na sabihing lakasan niya ang loob niya.

Madali palang sabihin pero imposibleng gawin. Nawala ang pananampalataya ko sa Diyos.

Sa ngayon ay pinipilit kong ibalik ito pero nahihirapan ako.

Kapag nagbabasa ako ng Bible ay may galit na namumuo sa puso ko.

Ano ang gagawin ko?

Edmund

Dear Edmund,

Ang mabuti, sa kabila ng mapait na nangyari ay naririyan ang pagnanasa mong magbalik sa Panginoon. Ituloy mo lang iyan.

Dagdagan mo ang panalangin at naniniwala akong muling mag-aalab ang iyong pananampalataya. Hindi lang ikaw ang dumanas ng ganyang kapaitan ngunit marami ang hindi nawala ang pananalig sa Diyos.

Iba’t iba ang pagsubok na dinaranas ng sino man, ngunit walang exempted sa mga pagsubok na iyan na nagaganap upang palakasin ang ating character.

Dr. Love

Show comments