Gusto nang umuwi kay misis

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Intoy. Mahirap ang kalagayan naming mga seniors. Dahil limitado na ang magagawa. Lalo pa ngayon na narito ako sa Maynila dahil sinamahan ko ang aking anak na magpa-enroll. Talagang naiinip na ako.

Bukod sa mis na mis ko na aking asawa kaya gusto ko nang umuwi ay wala akong mapagkaabalahan dito. Maigi pa sa Ilocos dahil marami akong gawain.

Hinihintay ko lang ang isa ko pang anak para ako ay sunduin at nang makauwi na sa aking maybahay. Sadyang walang pinakamainam na lugar kundi ang sarili mong bahay. ‘Yan ang makailang ulit ko nang napatunayan sa aking sarili.

Dahil kahit pa ako ay nasa bahay ng aking mga anak, na maayos at malaki, hinahanap-hanap ko pa rin ang aming munting tahanan sa probinsiya.

Ang karaniwang nagagawa ko rito ay manood ng tv. Kung minsan nakakapag-usap naman kami ng aking mga anak, maging ng mga apo. Pero dahil nalalapit na ang pasukan ay abala silang lahat.

Gustuhin ko man maglakad-lakad sa labas ay hindi naman pwede, dahil baka mapagod ako at mataon na wala akong kasama.

Gusto ko na sana umuwi sa maganda kong asawa.

Intoy

Dear Intoy,

Naniniwala ako na agad naman maiintidihan ng mga anak mo ang pangungulila mo sa iyong asawa. Kaya subukan mong magsabi sa kanila na gusto mo nang umuwi sa inyong bahay sa Ilocos.

Nang sa gayon ay mapawi na rin ang iyong pagkainip at maging masigla ka dahil nakikita mo ang iyong magandang asawa, na mis na mis mo na.

Ramdam kong excited ka na, kaya pag-uwi ng iyong anak ay banggitin mo na sa kanya ang hangad mo na makabyahe na pauwi sa inyong probinsiya.  Ingat at safe trip sa iyo.

DR. LOVE

Show comments