Dear Dr. Love,
Lubos ang pasasalamat ko sa Diyos sa pagkakataong ipinakaloob niya para makita at makapiling ko ang aking asawa kahit sa maiksing panahon lang.
OFW ang asawa ko at nagkataon na isinama siya ng mabait niyang amo para mag-travel sa Pinas at bisitahin ang kanilang negosyo sa Davao.
Nawala ang lahat ng pag-aalala ko nang magkita kami. Mabait ang kanyang Arabong amo. Parang pamilya ang turing nila sa amin.
Sa limitadong oras at araw, talagang in-enjoy ko ang bawat sandali na kami ay magkasama ni misis.
Biro pa nga ng amo niya na no sex, no sex at baka raw kasi mabuntis bago sila bumalik sa Saudi.
Hindi ko na nga naintindihan ang mga kwento ni misis, dahil para akong nakalutang sa kaligayahan na nasa harap ko siya at maayos ang kalagayan.
Hindi kasi maalis sa akin ang pangamba dahil magkalayo kami. Sabik na sabik talaga akong makita siya.
‘Yan lang po, gusto kong i-share ang kasiyahan ko na magkasama kami uli ng misis ko. Sa darating na linggo, babalik na sila ng Saudi.
Masakit man, pero kailangan. Putol na kasi ang aking kaliwang paa kaya hindi na ako pinagtrabaho pa ng misis ko.
Naipit ako sa makina nang maaksidente sa factory na pinagtrabahuhan ko sa Singapore. Kaya si misis na lang ang umalis para sa mga anak namin.
Malakas naman ako kaso hindi lang fit to work sa abroad.
Kaya patinda tinda na lang ako rito sa bahay at ang misis ko ang siyang naghahanapbuhay.
Albert
Dear Albert,
Maraming salamat sa iyong ibinahagi. Ganyan talaga, kailangan magtulungan ang mag-asawa para sa kanilang mga anak.
Hanga ako sa misis mo dahil tiniis niya ang malayo sa inyo para sa inyong ikabubuhay.
Pasalamat ka rin sa Panginoon dahil napunta sa mabait na amo ang asawa mo. Isama mo rin sila sa iyong mga panalangin.
Ang mga ganyang situwasyon na puno ng pananabik ay mahalaga i-enjoy nang husto. Regards sa iyong misis.
DR. LOVE