Gustong maging pulis

Dear Dr. Love,

Ten years old pa lang ako ay ambisyon ko nang mag-pulis. Police major ang tatay ko at idol ko siya. Hindi lang siyang matapang kundi nabibilang sa mga malinis at hindi tiwali.

Pero nang mapatay ang tatay ko sa isang encounter, ayaw na ng nanay ko na mag-pulis ako. Mamamatay raw siya kapag ako naman ang makikitil sa pagtupad ko sa tungkulin.

Pati ang girlfriend ko ay tinututulan ang balak kong pumasok sa PNPA dahil ayaw daw niyang agad mabiyuda. Kung igigiit ko raw ang gusto ko ay break na kami.

Dalawa na silang mga mahal ko na tutol sa pagpupulis ko. Pero talagang gusto kong isulong ang pangarap ko at patunayan na mayroong mga pulis na hindi corrupt at mapalitan ang masamang impression sa mga tagapagpatupad ng batas.

Ano ang gagawin ko?

Nante

Dear Nante,

Kung nasa edad ka na, ikaw na ang magdedesisyon kung susundin mo ang gusto ng nanay mo at ng iyong girlfriend.

Kaso, may sakripisyo diyan. Malulungkot ang iyong ina at kakalasan ka ng iyong girlfriend kung susundin mo ang iyong pangarap.

Walang ibang makapagpapasya diyan kundi ikaw lang. Hinahangaan kita sa determination mo na maglingkod sa bayan.

Dr. Love

Show comments