Dear Dr. Love
Ako po si Jenie. Gusto ko sanang makapag-aral uli. Maaga po kasi ako nag-asawa. Nadala ng kapusukan. Sixteen years old pa lang ako nang humiwalay ako sa aking pamilya.
Sa galit ng tatay ko, talagang pinabayaan niya akong sumama sa boyfriend ko. Walang nagawa si nanay dahil pinagbabawalan siya. Huwag na huwag daw niya akong kunsintihin.
Nagsama kami ng bf ko, na mister ko na nga-yon. Pero hindi kami kasal. Nagtiis kami ng hirap. Mabuti at may mga taong tumulong sa amin. Ang nanay nanayan niya ang nagturo sa akin na magtinda-tinda.
Minsan okoy, minsan lupiang toge.
Nahihiya ako kapag nakikita ako ng mga klasmeyts ko noon. Pero kinakapalan ko na lang ang mukha ko. Grade one na ang anak namin. Wala pang kasunod.
Walang wala akong maipagmamalaki sa kanila. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na asenso kami.
Naisip ko po na tutal medyo hindi na alagain ang anak ko, baka pwede pa akong magpatuloy ng aking pag-aaral. Kaso hindi naman permanente ang trabaho ng asawa ko. Kung may magpapagawa sa kanya ng motor, dun lang siya may kita.
Hindi rin naman siya nakatapos dahil sinalo na niya ang responsibilidad niya sa amin. Electronics Engineer siya dapat, hanggang second year lang siya.
Jen
Dear Jen,
Maganda ‘yang balak mo kaya ituloy mo. Mag-usap kayong mag-asawa kung paano mapapaganda ang ka-lagayan ninyo.
Kung kaya pa ninyong magtapos ng college ay mainam. Pero kung hindi naman, pwede naman sa mga proyekto ng gobyerno tulad ng TESDA o vocational courses. Mainam, may panggabi sila.
Ipagdasal mo na biyayaan ka ng Maykapal ng mga taong tutulong sa inyo para sa inyong mga pangarap at sa inyong anak.
Dr. Love