Pilantropo  si Mister

Dear Dr. Love,

Naiinis na ako sa asawa kong si Basilio. Komportable at maginhawa naman ang buhay namin dahil umabot sa P170 k isang buwan ang suweldo niya  kaso, masyado siyang matulungin sa kapwa.

May alaga siyang pilay at pipi na buwan-buwan ay nagpupunta sa amin at binibigyan niya ng dalawang libong piso.  Tuwing may lalapit sa kanya at umuutang, maluwag niyang pinauutang ang mga ito ngunit karamihan ay hindi nagbabayad.

Mayroon din siyang pinapaaral na anak ng kanyang pinsan. Halos animnapung libong piso ang nawawala sa sahod niya.

Kapo-promote lang niya sa trabaho at naging district supervisor, kaya ang suweldo niya ay naging P250 libo na. Sabi ko, baka lalo pa niyang dagdag ngayon ang mga taong tinutulungan niya. Paano naman kami at ang aming dalawang anak?

Emily

Dear Emily,

Ikaw na rin ang may sabi na komportable at maginhawa ang buhay ninyo sa laki ng kinikita ni mister.

Bakit pipigilan mo siya sa pagtulong sa kapwa?

Kaya patuloy na lumalaki ang sahod ng iyong asawa ay sapagkat ibinabahagi niya sa ibang nanga-ngailangan ang kaloob na grasya ng Diyos.

Kinalulugdan ng Panginoon ang mga taong tumutulong sa kapwa.

Ang sabi Niya sa kanyang Salita, “ang ano mang gawin ninyo sa iba ay ginawa ninyo sa akin.”

Tandaan mo ito, kapag huminto ang asawa mo sa pagtulong sa kapwa, malamang hihinto rin ang pagbuhos ng biyaya sa buhay ninyo.

Huwag kang maramot.

Dr. Love

Show comments