Mapang-under ang gf

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Charlie, 24 anyos at isang junior executive sa isang kilalang kompanya.

Mag-aapat na buwan ko nang girlfriend si Anna na isang businesswoman. Matagal ko siyang nililigawan dahil disente siyang babae bagamat may pagka-istrikta.

Nang maging kami na, unti-uniting lumitaw ang isang ugali niya na hindi kanaisnais. Nakita ko ang tendency niya na maging asawang mapang-under. Pati sa pagkain namin sa labas ay pinupuna niya ang paggamit ko ng kubyertos. Kung minsan pagpasok namin sa establisyamento ay nagagalit siya kapag hindi ko siya napagbuksan ng pintuan.

Kapag may nasabi akong word na hindi niya nagustuhan, sinasabi niyang salitang kanto ang ginagamit ko. Napapahiya tuloy ako sa mga common friends namin.

Ramdam kong kumukupas ang pagmamahal ko sa kanya. Imbes na love, napapalitan na ng inis ang nadarama ko sa kanya. Kung may dapat man na maging dominante ay ako, dahil ako ang lalaki. Dapat ko na ba siyang kalasan?

Charlie

Dear Charlie,

Kung gusto mo, ikaw naman ang maging kritiko at sabihin mo ang hindi wasto sa kanyang ugali. Ito naman ay para baguhin niya ang kanyang sarili kung mahal ka niya.

Ngunit ang huling desisyon ay nasa sa iyo. Ikaw lang ang puwedeng mag-evaluate sa tunay mong damdamin para sa kanya.

Kung sa palagay mo ay magiging hadlang sa mabuti ninyong relasyon ang kanyang pagiging dominante na nagsisimula mo nang kainisan, talagang dapat mo na siyang kalasan.

Marriage is not only about love but about the future. Mas mahirap talaga kung iiral pa rin ang ganyang ugali niya kapag mag-asawa na kayo. Ang babae ang dapat magpasakop sa lalaki and it shouldn’t be the other way around.

Dr. Love

Show comments