Dear Dr. Love,
Just call me Dianne, 25 years old. Ambition ko na makapagtapos ng nursing. Naitataguyod naman ng mga magulang ko ang aking pag-aaral kahit hindi kami masyadong mayaman.
Nasa unang taon ako ng kursong ito nang makilala ko si Nandy na kumukuha naman ng medicine sa kaparehong unibersidad na pinapasukan ko.
Nanligaw siya sa akin at naging kami.
Pero masyado siyang mapusok at napilitan kaming magtanan nang mabuntis niya ako.
Parehong galit ang aming mga magulang sa nangyaring pagpapakasal namin ng lihim sa huwes.
Nagsama kami at si Nandy ay namasukan bilang clerk sa isang kompanya.
Isinilang ko ang aming anak at doon nagsimula ang hirap. Parehong nasira ang magandang ambisyon namin ni Nandy.
Inalok ako ng magulang ko na maghiwalay muna kami para maipagpatuloy ang aming pag-aaral.
Ganun din pala ang alok ng mga magulang ni Nandy.
Pero nagkaroon kami ng pagtatalo kung kaninong poder mapupunta ang aming anak na mag-iisang taon pa lang.
Ano ang maipapayo ninyo sa gumugulong situwasyon namin?
Dianne
Dear Dianne,
Maganda ang offer ng inyong mga magulang.
Tungkol sa inyong supling na isa pa lang baby, ikaw ang may katungkulang ma-ngalaga rito lalu pa’t siya ay isa pang pasusuhin at sa ilalim ng batas, ang ina ang laging pinapanigan ng batas sa ganyang situwasyon.
Maaari namang dalawin ng iyong asawa at mga magulang niya ang inyong anak kaya isang bagay iyan na dapat ninyong pagkasunduan.
Tamang tapusin ninyo ang inyong pag-aaral para mas maganda ang pundasyon ng noong pagsasama.
Buti na lang may mga magulang ka-yong marunong umunawa. Mabigat ang kursong kinukuha ninyo at hindi puwedeng isabay ang pagpapamilya.
Hangad ko ang pagkakaunawaan ninyong mag-asawa sa lalong madaling panahon.
Dr. Love