Dear Dr. Love,
Ako po si Tom, naiinis ako sa misis ko dahil mas pinakikinggan pa niya ang kanyang kakambal kaysa sa akin.
Lagi nalang ako ang nagpapaubaya. Minsan kapag aalis sila, hindi ko siya mapigilan dahil si kambal naman daw ang kasama.
Kapag may mga lakad siya laging kasama ang kanyang kakambal. Kahit sa mga desisyon niya laging tinatanong niya ang kanyang kakambal.
Natatabunan tuloy ang mga balak ko sa aming dalawa. Ayoko namang awayin ang kakambal niya kasi malamang kakampi siya sa kakambal niya. Puro na lang si kambal, si kambal ang nagiging priority niya.
Gusto ko ngang kausapin ang kambal niya pero ‘yun nga, baka awayin lang ako. Wala naman akong selos o anumang isyu sa kanya. Sa misis ko ako naiinis dahil laging kay kambal na lang ang punta niya. Ayaw niyang makinig sa akin.
Nirerespeto ko naman sila pero sana munawaan din nila ako sa gusto kong mangyari sa aking pamilya.
Tom
Dear Tom,
Hindi mo maiaalis sa misis mo na laging kumunsulta sa kakambal niya. Dahil mula pagkabata hanggang sa kanilang pagdadala ay hindi sila nawawalay sa bawat isa.
Kaya naman, hindi malayong dumipende sila sa saloobin ng bawat isa tungkol sa maraming bagay, kabilang na ang buhay may asawa.
Isipin mo na lang na pihadong kahit nung sandaling pinag-iisipan niya kung sasagutin ka niya o hindi, maging kung magpapakasal ba siya sa’yo o hindi ay malamang na ikinunsulta rin niya sa kakambal niya.
Tanggapin mo lang na hindi siya nabuhay ng mag-isa. Lumaki siyang may kakambal na kasama.
Lagi mo lang ipaalala sa kanya na may asawa na siya at priority na niya ngayon ay kayong pamilya niya. Ganun din naman sa kambal niya.
May mga bagay na pwede pa rin namang pagsamahan ng kambal, pero dapat din niya galangin ang desisyon ng ka-partner niya sa buhay.
Nasa mabuti at mahinahong pag-uusap lang ‘yan, tiyempuhan mo na maganda ang mood niya at saka mo lambingin.
Tapos i-open mo ang iyong saloobin.
Hangad ko ang maayos ay maliga-yang pagsasama ninyo bilang mag-asawa.
DR. LOVE