Kumapit sa patalim

Dear Dr. Love,

Una, hayaan mong batiin kita ng isang mabiyayang araw. Tawagin mo na lang akong Marise, 32 anyos at may asawa. Kahit mahirap kami, uliran ako at tapat sa aking mister sa loob ng labingtatlong taon naming pagsasama.

Ganun din ang sukling katapatan sa akin ng mister kong si Fredo.

Dumating ang napakatinding pagsubok sa buhay namin. Natanggal sa trabaho ang aking mister bunga ng pagkalugi ng ilang kompanya dahil sa pandemic noong isang taon.

Lalung tumindi ang kalagayan namin nang dapuan ng meningitis ang aming limang taong gulang na anak na babae. Wala kaming kapera-pera. Nalaman ito ng dati kong boyfriend na maraming pera dahil miyembro ng sindikatong nagbebenta ng droga. Binigyan niya ako ng singkuwenta mil kapalit ng pakikipagtalik ko sa kanya.

Naisip ko, dati naman naming ginagawa yaon kaya pumayag na rin ako, kapalit ng malaking halaga.

Dinala ko sa duktor ang anak ko, minsang inatake siya ng sakit at tumitirik na ang mata. Wala ring nagawa ang salapi dahil namatay ang anak ko. Sising-sisi ako sa ginawa kong pagtataksil sa mister ko.

Ang perang bigay ng ex ko ay ibinayad lamang sa serbisyo sa burol at libing ng anak ko. Sinusumbatan pa rin ako ng aking konsensya dahil sa malaki kong kasalanan sa Diyos at sa aking asawa.

Ano ang gagawin ko para matahimik ang aking budhi?

Marise

Dear Marise,

Siguro, kahit na sino mang nasa ganyan situwasyon ay makakagawa rin ng kasalanan na labag sa kanyang sariling kagustuhan. Kumapit ka sa patalim dahil umiral ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan.

Subalit ang mali ay mali at ang nararapat mo lang gawin ay magsisi ng taimtim at hingin ang kapatawaran ng Diyos.

Sa ikatatahimik ng pagsasama ninyong mag-asawa, panatilihin mo na lang lihim ang nangyari. Walang masama sa pag-iingat ng lihim kung ito ay para sa ikabubuti ng relasyon. Ngunit kung dumating ang puntong malaman niya ito, marahil naman ay maunawaan ka niya sa ginawa mong pagmamalasakit sa inyong anak.

Dr. Love

Show comments