Nagbalik sa dating bisyo

Dear Dr. Love,

Nakilala ko si Martin sa isang drug rehabilitation center. Pareho kaming drug user noon na nagdesisyong magpa-rehabilitate. Tawagin mo na lang akong Sensen, 26 anyos na ngayon.

Sa loob ng halos isang taong pamamalagi namin sa rehab center, nagkaibigan kami. First time kong napasok doon at si Martin ay pa-ngalawa na dahil nalulong siyang muli sa bisyo.

Pero sabi niya sa akin, kapag nagkatuluyan kami at maging mag-asawa, hindi na siya malululong sa bisyo at magiging mabuting asawa siya at ama ng aming magiging anak.

Sabay kaming lumabas ng center ni Martin at matapos pa ang anim na buwan ay nagpakasal kami. Maganda ang naging trabaho niya at tinupad ang pangakong magbabago. Pero makalipas ang isang taon ay natanggal siya sa trabaho. Tinangka niyang humanap ng iba pero bigo siya.

Doon na siya na-depress may hinala akong nagbalik siya sa paggamit ng shabu nang isang araw ay may nakuha akong sachet sa kanyang bulsa.

Ano ang dapat kong gawin?

Sensen

Dear Sensen,

Ang pagkakaalis niya sa trabaho ang dahilan kung bakit siya na-depress. Kausapin mo siya at ipaalala mo ang pangako niyang magbabago.  Sabihin mong lalung mawawalan ng direksyon ang inyong buhay kung babalikan niya ang bisyo.

Ang katulad niya ay isang aso na binalikan at kinain muli ang kanyang isinuka at iyan ay walang ibibigay na buti. Kung kailangan niyang muling magpa-rehab, himukin mo siyang bumalik sa rehabilitation center.

Baka naman mapili siya sa trabaho kaya nahihirapan siyang makakuha? Sabihin mo na kahit maliit ang sahod ay tanggapin na niya hanggang makakita siya ng trabahong mas malaki ang kita.

Dr. Love

Show comments