Matigas ang ulo ni Mister

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Larissa. Matigas ang ulo ng mister ko, sinabi ko na magpa-vaccine na kami. Pero lagi na lang siya tumatanggi. Ilang beses ko na siyang inaaya. Marami siyang dahilan, minsan dinadaan pa niya sa biro, baka maging zombie raw siya o kaya mas maaga siyang mamatay.  Maliwanag naman na proteksyon ang vaccine. Nasabihan ko tuloy siyang duwag kaya lalo siyang nainis.

Actually, ini-register ko na siya para sabay kami. Hindi pa rin niya ako sinamahan. May kausap daw siyang tao kaya hindi siya sumama sa akin. Sayang daw sideline.

Madaling araw pa lang, pumila ako sa school na malapit sa amin. Iniwan ko siyang natutulog.

Sandali lang akong nabakunahan. Kahit maraming tao, marami rin naman ang nagbabakuna. Kaya pag-uwi ko, pilit kong inaya uli ang aking asawa. Ayaw niya talaga. Wala naman ‘yung kausap niya.

Pagkaraan ng ilang araw, bigla siyang nilagnat. Hayan na ang hinihintay mo, ang sabi ko sa kanya. Ayaw mong magpabakuna.

Natakot ako baka nga covid na ang sakit niya. Kaya nagpakulo ako agad ng tubig at nagsuob. Pinagpawisan siya at pinagpa-hinga ko siya.

Ayaw niya ring magpadala sa ospital. Baka covid daw ang ideklare na sakit niya. Kaya nag-stay lang siya sa bahay. Lalong hindi siya nakaalis ng bahay. Sayang tuloy ang kikitain niya sa sideline na hinihintay niya. Dumating si kumpare pero may sakit naman siya.

Larissa

Dear Larissa,

Kumusta na ang mister mo? Sa totoo lang marami ang ayaw magpabakuna. Tama, marami ang natatakot sa maling akala.

Mas mainam ang may proteksyon. Hangga’t maaari kung malalaki na ang mga anak ninyo, pabakunahan mo na rin.

Sabihin mo sa asawa mo, kung mahal niya kayo ng mga anak mo, dapat mauna siyang matutong mag-alaga ng kanyang katawan.

Tulad niyang nagkasakit siya, mabuti at naagapan. Paano kung hindi?

Kaya kung ano ang mas makabubuti, ‘yun ang gawin natin. Sayang lang ang vaccine na mula pa sa ibang bansa kung lagi tayong aayaw. Ang pinakamahalaga ay ang proteksyon ng inyong pamilya.

DR. LOVE

Show comments