Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang po ninyo akong Bev. Natatakot po akong aminin sa aking mga magulang na may bf na ako. Nagsimula po ang relasyon namin noong nasa senior high palang ako.
Nagi-guilty na kasi ako dahil sa mga hindi na mabilang na pagdadahilan ko sa tuwing lalabas ako ng bahay. Maingat naman ako at nag-aaral ng mabuti. Mabait ang bf ko. Ang alam ng mama ko, ang klasmeyt kong babae lang ang kasama ko kapag nagpapaalam akong aalis.
Ngayong nasa college na ako, alam kong umaasa silang makapagtatapos ako ng pag-aaral.
Ilang beses na kaming nagkikita ng tatay ng klasmeyt ko na may kasamang lalaki kapag umaalis kami.
Minsan nang sunduin ang klasmeyt kong babae ng kanyang tatay, kinausap ako at tinanong ng kanyang tatay kung alam ng mga magulang ko ang tungkol sa bf ko.
Tinatanong din niya ang pangalan ng bf ko. Pero hindi ako sumagot, nagalit yata siya. Dahil sumimangot at parang nagbabanta na sasabihin niya sa parents ko ang sikreto ko.
Natatakot ako kasi baka ‘pag nagkataong magkausap ang magulang ko at ang tatay niya at mabisto na ang lihim ko at paghiwalayin kami, gaya ng mga nababasa ko sa column ninyo.
Natatakot po ako, mahal ko po ang bf ko.
Bev
Dear Bev,
Natural sa mga magulang na mag-alala para sa kanilang anak. Bagay na sa halip na katakutan ay ipagpasalamat sana ng mga kabataan, dahil may magulang na kumakalinga para sa kanilang kapakanan.
Ni minsan hindi magdudulot ng buti ang pagsisinungaling na ginagawa mo sa iyong magulang. Kaya naman tanggapin mo sakaling mabisto at mapagalitan ka nila.
Pero pwede namang hindi humantong ang lahat sa ganong sitwasyon, kung sa lalong madaling panahon ay pag-usapan ninyo ng bf mo ang pagtatapat sa mga magulang mo.
Kung tunay ang pagmamahal niya sa’yo, walang pagdadalawang-isip niyang gagawin ‘yun para sa kapanatagan mo.
Sana tamang desisyon ang gawin ninyo.
DR. LOVE