Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Lino, 47 anyos. Kasal ako sa isang asawa ko at mayroon kaming tatlong anak. Ang problema ay may pangalawa akong pamil-ya. Alam ng isang asawa ko ang isa ko pang pamilya pero ‘yung original ay hindi nalalaman.
May sampung taon ko nang naitatago ang ganitong situwasyon. Pareho ko kasing mahal ang dalawa kong asawa, kaya wala akong maiwanan sa kanila.
Ang original na misis ko ay itinira ko sa Parañaque at ang pangalawa ay sa Bulacan.
Dalawa ang anak ko sa pangalawa kong family at habang nagtatagal, nahihirapan akong manimbang. Halinhinan ang pag-uwi ko sa dalawa kong pamilya at ikinakatuwiran ko sa isa na ganoon ang nature ng aking trabaho bilang medical representative dahil kung saan-saan ako nadedestino.
Pero ang totoo, nasa supervisory level na ako kaya hindi ko na kailangang magtungo kung saan-saan. Nangangamba ako, Dr. Love. May kasabihang walang sikretong hindi nabubunyag.
Nakakaunawa ang pangalawa kong asawa pero hindi ang una. Mabuti na lang at malakas ang kita ko kaya, kaya kong mag-maintain ng dalawang pamilya. Ang worry ko lang ay kapag dumating ang araw na mabisto ang lihim ko. Ano maipapayo mo sa akin?
Lino
Dear Lino,
Mabigat ang pro-blema mo. Pwede mong panatilihing lihim iyan pero tama ka, malamang na mabibisto ka rin pagdating ng araw.
Mahirap itong gawin pero ito ang tama, hiwalayan mo ang pangalawa mong kinakasama pero ituloy mo ang sustento sa kanya at sa mga anak mo. Kataksilan ang ginagawa mo at unfair sa pinakasalan mong asawa iyan na paniwalang paniwala na siya lang ang nag-iisang babae sa buhay mo.
Kung kaya mong gawin, magtapat ka rin sa tunay mong asawa at humingi ng tawad sa nagawa mo. Masasaktan siya tiyak, pero mas matindi ang sakit kung darating ang araw na sasabog na parang bulkan ang pinakatagutago mong lihim.
Dr. Love