Dear Dr. Love,
Simple lang ang gusto kong i-share. Isa akong artist at teacher naman ang misis ko. Sa limang taon naming pagsasama nako-compliment naman namin ang isa’t isa. Lalo na sa mga visual aids ni misis at sa mga creative activities niya.
‘Yun lang, madalas hindi kami magkasundo dahil bilang artist talagang makalat ako. Kapag nagpe-paint ako sa sala namin, syempre hindi ko maiwasan na mailapag kung saan-saan ang mga gamit ko.
Pagdating niya galing sa school, nagalit siya nang matapakan niya ang acrylic paint ko. Nalagyan ng pintura ang bagong sapatos niya. Nagwala siya. Pinaghahampas niya ako ng dala niyang bag.
Nagsisisigaw siya ng dahil lang doon. Ok lang sana, kaso para akong isang student na pinapagalitan. Nainis talaga ako sa kanya noon. Deadline ko pa naman kinabukasan.
‘Yun lang sa tuwing magagalit siya, para akong nasa principal office. Ang lakas ng boses niya. Naiintidihan ko naman siya, dahil pagod sa kakaturo maghapon at imbes na makapaghinga ay aabutan pa niya ang mga kalat ko sa bahay. Pero ok na kami ngayon.
Hindi naman sa sinisiraan ko ang misis ko, gusto ko lang na maunawaan din ng ibang mag-asawa na hindi sa lahat ng oras kahit mga professional na kayong dalawa ay lagi na kayong magkakasundo.
Iba rin naman ‘yung ideal at ‘yung reyalidad na may kahinaan ang bawat isa.
Cardo
Dear Cardo,
Maraming beses pa kayong mag-aaway ng misis mo. Pero ang maganda, kahit nag-aaway kayo ay hindi ninyo ito pinalalaki at hindi na kayo nandadamay ng iba.
Hindi rin naman healthy ang relationship kung lagi na lang kayo oo nang oo sa minamahal mo.
Five years adjustment period pa rin ‘yan para sa ibang couples. Just remember sa panahong hindi kayo nagkakasundo, dapat may isang magpapakumbaba at uunawa. Learn to accept her limitations and always be patient. Huwag mo siyang papatulan kapag mainit ang ulo niya.
Dr. Love